Thursday, March 03, 2005

Pssssst! Mag-usap Kita

Noong isang lingo ay naglalakad ako sa may MRT Ortigas station at may nakita akong batang may malaking bukol sa mukha. Hindi ko alam kung bakit ngunit bigla akong dumukot ng pera sa aking pitaka. Kahapon naman ay itinapon ko sa basurahan ang mga naiwanang pinagkainan sa cafeteria. Ano naman kaya ang naghihintay sa akin bukas? Sa makalawa? Hindi ko talaga alam.


Sa pang-araw-araw nating buhay, tila merong isang tawag sa atin upang magpakatao. Sa paglalakad natin sa kalye, sa pagkain natin, sa pagtulog, o sa anumang simpleng desisyon natin sa buhay, merong tawag na magpakatao para sa atin. Merong isang tawag sa atin upang ating gawin ang dapat nating gawin bilang mga tao. At ang gawain na ito ay nakabase sa ating di-makasariling pagsasarili sa kahulugan ng kung ano ang mabuti, maganda, at totoo, basta wala tayong nasasagasaang iba sa pagsasakatuparan natin ng ating pagpapakatao at tumutungo sa isang mabuti, maganda, at totoo para sa lahat ng ating kapwa.


At sa tawag na ito upang tayo ay magpakatao, meron yatang tatlong paraan na tumutugon tayo. Una, nakikinig tayong maigi sa tawag na ito. Dinig na dinig natin ang tinig na tumatawag sa atin upang magpakatao at sumusunod tayo rito. Gagawin natin ang mga sa tingin natin na dapat gawin ng isang tunay na tao, ng tao na binibigkas bilang isang analogum. At ang tinig na ito ay naririnig maging ng mga bingi, basta merong tunay na pagnanasa na hindi lamang manatiling mga tao, kundi ganapin ang tunay na pagpapakatao. Isang halimbawa ay ang mga taong patuloy na nagsisilbi sa karamihan dahil ito ang pinaniniwalaan nila na dapat gawin ng tao. o maaari naman din itong makita sa isang manggagawa na di bali nang madungisan ang katawan, basta’t malinis ang kalooban o di kaya naman sa isang estudyante na ginagawa ang lahat ng kanyang responsibilidad. Sila ay tumutugon sa tawag na magpakatao at sumusunod sa mahiwagang tinig na tumatawag sa kanila.


May ilan namang hindi nakaririnig sa tawag na ito. Ito ay yaong mga tao na marahil ay hindi malay sa kung ano ang pagpapakatao. Hindi sila mulat sa kung ano ang dapat nilang gawin upang maipakita ang kanilang pagpapakatao. Maaaring may pagnanasa silang magpakatao ngunit maaari rin namang nasa isang di-maiiwasang sitwasyon sila na hindi pa nila kayang talusin ang ibig sabihin ng pagpapakatao. Isang halimbawa ay ang mga bata na musmos pa ang isipan. Maaaring may pagnanasa silang magpakatao ngunit dahil sa murang isipan ay hindi pa nila malaman kung ano nga ba ito.


O meron din naman yaong mga nagbibingi-bingihan. Sila yaong mga nakaririnig naman ngunit ayaw makinig. Pilit silang tinatawag na magpakatao ngunit ayaw nilang sumunod. Pilit nilang nilalabanan ang tawag na ito at bagkus, ginagawa nila ang kabaligtaran sa kung ano ang alam nilang pagpapakatao. Ginagamit ang kapwa, nananakop. Maaaring gawin nating halimbawa ang mga politiko natin. Sa araw-araw na buhay nila, nakakasalamuha nila ang napakaraming tao at alam nila na may pananagutan sila sa mga taong nasa ilalim ng kanilang pangangalaga. Ngunit ano ang ginagawa ng karamihan? Mas marami pa rin yata ang hindi gumagawa ng mabuti sa kapwa. Nagnanakaw, nanlalamang, nang-aagrabyado. Hindi ba nila narinig ang tawag na magpakatao? Imposible yata.


Ngayon tatanungin mo ako kung ano naman ang kinalaman ng pilosopiya dito. Ano ba ang ginagawa sa akin ng pilosopiya? Bakit ba ako namimilosopiya? At ano ang kinalaman ng pamimilosopiya ko sa aking pagpapakatao?
Namimilosopiya tayo sapagkat walang hanggan ang ating kakayahang mag-isip bilang mga tao. Nag-iisip tayo hindi lamang ng kung ano ang tawag sa isang hayop na may mahabang ilong o saan makikita ang chocolate hills kundi pati ng mga napahirap at walang katapusang tanong na BAKIT? Minsan nga hindi lang simpleng ano o bakit kundi ANO ba ang totoo, maganda at mabuti? Bakit ako? Bakit kailangan kong magpakatao? Ngayon, isang magandang pagkakataon ang pamimilosopiya upang magtangkang sagutin ang lahat ng walang-hanggang tanong natin, upang maliwanagan kahit gabutil na liwanag lamang ang ating mga pagtataka dahil alam natin na walang hanggan ang dapat nating tahakin upang masagot ang lahat-lahat ng ating mga katanungan at pagtataka.


Itinuturo sa atin ng Pilosopiya na buksan ang ating mga mata at tumingin ng mabuti. Gamitin natin ang lahat ng ating mga pandama upang makasalamuha at madama ang kung ano talaga ang mga totoong nangyayari. Tinuturuan tayo ng pilosopiya na magmasid, umunawa, at kumilatis upang hindi tayo malinlang at makulong na lamang sa magulong mundo ng konsepto. Realidad ang tinuturo sa atin ng Pilosopiya—isang realidad na kailangan nating pagdaanan sa bawat araw ng ating buhay, isang realidad na gawin ang dapat nating gawin bilang mga nilalang na tinatawag na tao. Magpakatao tayo, ito ang paggawa natin ng pilosopiya.


Natutunan natin sa pilosopiya na hindi sapat ang isang paggawa at iyon na ang lahat. Mahirap makulong sa katamarang iyan dahil lumalabas na nagmamarunong ka na. Tila baga alam at nasakop mo na ang lahat. Ang katotohanan na para sa iyo ay nakabase sa iyong kalayaang manakop ng mga bagay, ng mga konsepto, maging ng mismong akto ng pagpapakatao. Hindi dapat isipin na ang katotohanan at pagpapakatao ay isang karanasang autonomiya kundi isang karanasan sa kawalang hangganan. Heteronomiya. Sa paggawa ng tunay na pilosopiya (hindi ng isang pilosopiya na umiikot sa pambobola lamang), bagaman, sinusubukan na nating magpakatao, paulit-ulit tayong kinukulit nito upang paigtingin pa ang ating pagpapakatao. Dahil kahit anong gawin natin ay hindi natin nagagawa ang lahat ng dapat gawin. Dahil ang hangganan ng ating pagpapakatao ay walang hanggan. At dahil may karanasan tayo sa kawalang-hanggan, kailangang ituloy ang walang katapusang pagnanasang magpakaako. Magpakatao. Dahil kung titigil tayo rito, mali yata ang ating ginagawang pilosopiya. Titigil rin yata tayo sa paggawa ng tunay na pagpapakatao.


Pumapasok din rito ang tungkulin ng mga nakarinig sa tawag na magpakatao na hindi lamang basta magpakatao kundi iparinig din sa iba ang tawag na ito. Kaya naman babalik siya sa nakasusulasok na kahon at pilit iparirinig sa mga hindi nakarinig, kung maaari ay sigawan pa niya o kaladkarin, o di kaya naman ay mapatay pa siya sa akto ng kanyang pagpapakatao. Pilosopiya ng pagpapakatao. Pagpapakatao ang paggawa ko ng Pilosopiya.


Para naman sa mga hindi nakarinig, kumikilos ang pilosopiya sa paraang ipakikita niya ang dapat makita, iparirinig ang dapat na marinig, o ipadama ang dapat damhin. Basta’t buhay ang pagnanasang gumawa ng tunay na pilosopiya sa pamamagitan ng pagpapakatao, kakawala siya sa yungib ng kamusmusan, ng kawalang-alam, ng kabataan. Dahil sa pagnanasang ito na binubuhay ng ating mga katanungan at pagtataka sa pamimilosopiya, lalabas siya ng yungib upang makasilip sa konting liwanag na kaya niyang makita sa gitna ng walang-hangganang liwanag. At dahil gumagawa siya ng tunay na pamimilosopiya, matatalos niya na hindi sapat ito kaya’t dapat niya itong ipagpatuloy dahil sa mga dahilang nailahad na kanina at sa paraang nailahad na rin kanina.


At para naman sa mga nagbibingi-bingihan, tila ito yata ang pinakamahirap tawagin katulad ng hirap sa paggising ng isang taong nagtutulug-tulugan. Dahil nakukulong sila sa isang katamaran at sanay na sila sa iisang sistema, tila mas mahirap yatang piliting tawagin ang mga ito. Lalo na nga kung may mga pansarili pang interes na pinanghahawakan ang mga ito. Dahil masyadong tahimik sa loob ng kanyang bahay, ayaw na niyang pansinin ang mga ingay sa labas at itinuturing ang mga ito na hindi mga tunay na pangyayari. Ngayon, paano kumikilos ang pilosopiya rito? Maaaring sa una, gamitin nito ang kanyang alindog upang mang-akit. Unti-unti ka nitong dadalhin sa maganda-masalimuot, nakatutuwa-nakalulumbay, at simple-komplikadong mundo ng pamimilosopiya. Pipilitin ka nitong mag-isip, tumingin, at kumilatis sa mga tunay na nangyayari sa iyong kapaligiran. Hindi mo malalaman, gumagawa ka na pala ng Pilosopiya. Nagpapakatao ka na pala. Subalit kailangan ng ibayong pag-iingat dahil nakapanlilinlang ang alindog ng pilosopiya. Maaari mo na lamang isipin o manipulahin ang lahat-lahat ng konsepto (katulad ba ito ng ginagawa ko? Marahil hindi) upang maging kapaki-pakinabang at madaling maintindihan ang lahat. Maaari kang tamarin dahil sa sobrang ganda ng iyong namamasdan. Kaya’t sinasabi kong mag-ingat dahil delikado ang paggawa ng Pilosopiya kung hindi naman totoo. Hindi ka rin mauuwi sa pagpapakatao.


Kung hindi naman naakit ay talagang pipilitin kang makarinig. Sisigawan, sasampalin, o tatapatan ka ng “megaphone” sa tainga upang marinig mo. O may mga taong tunay na gumagawa ng pilosopiya na tutulong sa iyo. Sila ang mga taong pinanindigan ang tunay na paggawa nila sa pilosopiya. Sila ang mga taong tunay na nagpapakatao—na kahit usigin, kutyain o kahit patayin, patuloy ka nilang hihikayatin na tingnan at damhin ang katotohanan dahil meron silang pananagutan; sa iyo at sa lahat ng kapwa-tao. At hindi sila titigil hanggang matauhan ka at ikaw na mismo ay gumagawa ng pilosopiya—hanggang ikaw mismo ay nagpapakatao na. Swabe di ba?


Ngunit sa katapusan ng lahat, ang bawat ako pa rin ang mismong nagdedesisyon sa kung anuman ang nais niyang gawin. Ang iba’t ibang mga ako na ito ay hindi ko maaaring hulaan ang magiging desisyon. Dahil kahit ano pa man ang sabihin ko tungkol sa lahat ng uri ng tao, hindi ko sila kayang ikahon doon dahil isa silang tao na binibigkas bilang analogum—may kakayahang tumubo, may walang hanggang potensyal. At kasama sa walang hanggang potensyal na ito ay ang paggawa ng tunay na pilosopiya. Magpakatao.


Ngunit dahil tao rin sila kaya’t mas dapat hikayatin at pilitin na gawin ang lahat ng gawaing pan-tao—taong may pananagutan sa lahat ng kapwa. Kaya’t patuloy na nanghihikayat ang pilosopiya sa mga taong nagnanasa, at mas higit na inaakit ang mga naliligaw dahil bahagi ito ng kayabangan ng pilosopiya na bigyang kasagutan ang lahat—kahit ang mga walang hanggang potensyal ng pagpapakatao—bagaman hindi talaga malalaman ang lahat. At sapagkat ang pilosopiya ay ginagawa, dapat natin itong gawin ng may katotohanan at patuloy at walang hanggang pagnanasa. Dapat magpakataong tunay. Dahil tayo ay taong tunay.


Kaya’t sa huli’t huli ng aking mga nabanggit at mga hindi nabanggit, at hindi mababanggit kailanman, hindi natin maihihiwalay ang tunay na pilosopiya sa tunay na pagpapakatao. Pilit nating kikilalanin at tatanggapin ang Meron at ang kawalang hangganan nito at kasabay nito ang ating tugon—ang magpakatao. Dahil tao ang gumagawa ng pilosopiyang tunay. Dahil tunay na pagpapakatao ang paggawa ko ng tunay na pilosopiya. Ito ang natutunan kong pilosopiya ng Pagpapakatao ngayong taon. At dahil dito, nagpapasalamat ako ng walang hanggan dahil nalaman ko na ako ay isang tanong na walang hanggang maghahanap ng mga kasagutan

7 comments:

vanyei said...

Parang familiar yung last part. Hehe. ;)

Anonymous said...

hei kuya,,,
ang gnda po ng cnabi mo about s pagpapakatao...un nga lng mdyo mlalim..
nga po pla estudyante k lng pla...
anyweiz ang gling tlga ng gnawa mo...nsearch ko xa kc research paper nmin ang tungkol s pgppkatao..

Zippy said...

okay lang na gamitin mo ang ginawa ko bilang gabay sa paggawa ng iyong papel. hindi malalim ito kumpara sa tunay na pagpapakatao. salamat at nagustuhan mo ang ginawa ko. sana ay makatulong ito sa iyo. pero kung guro mo si G. Tolentino sa Ateneo, ingat ka na lang at siya rin ang guro ko noong isang taon.

Anonymous said...

kuya zippy! kaw b yung sa LSAT? teacher ko si sir tolentino ngayon. may LT kami ngayon tungkol sa pagpapakatao. ano nga ba talaga ang pagpapakatao? nabasa mo ba yung Jose Crisaldo? patulong naman.. hehe.

Anonymous said...

hi jo-anne. miss mo na ako noh? hindi ko na matandaan kung nabasa ko si jose crisaldo. pero malamang nabasa ko na. gamitin mo na lang na gabay ang naisulat ko. B+/A yata ang nakuha kong marka diyan.

Anonymous said...

hello. may tanong lang ako.

doon sa bahagi kung saan mo ibinigay bilang halimbawa ang mga pulitikong tila yata nagbibingi-bingihan sa tawag ng pagpapakatao dahil wala silang ginawa kundi ang mangurakot ang kung anu-ano pang taliwas sa mabuti, hindi ba't bahagi rin yata ng kakayahan ng tao ang mangurakot sa pamahalaan at gumawa ng kung anu-ano pang taliwas sa mabuti at sa gayo'y isa rin itong uri ng pagtugon sa tawag ng pagpapakatao, at kung gayo'y nagpapakatao pa rin ang mga pulitikong tinutukoy mo?

pasensya na ah, kailangan ko lang itanong. nakarating ko sa blog mo dahil kailangan kong gumawa ng sytesis para sa klase ko sa philo 102. baka lang itanong sa akin yan ni sir roy tolentino.

Anonymous said...

ano ang pagkakaiba ng bato, sa hayop, at sa tao?
bato: walang nararamdaman, walang buhay
hayop: may nararamdaman, may buhay, kumikilos ng walang kaakbay na pag-iisip o pagsasaalang-alang sa iba. walang pananagutan sa bawat aksyon na gagawin.
tao: ang ating pag-iisip ang nagbibigay ng pagkakaiba sa ibang nilalang. ang ating kakayahan na pag-isipan ang bawat tama sa bawat mali, at ang pagsasaalang-alang sa iba, yan ang tao.

hindi maaaring sabihin na kakayahan ng isang tao ang pangungurakot o pagnanakaw sa kabila ng tawag ng katotohanan na may ibang tao na nasasagasaan o di kaya magdudusa sa gagawing kasakiman. sa kabila ng pagpapakita ng mga katotohanan at pilit mo itong tatalikuran para sa sariling kapakanan, tila wala na yatang pagkakaiba ang tao sa isang hayop. ang paggawa ng taliwas sa maganda at mabuti, AY HINDI KAKAYAHAN, BAGKUS ISANG KAHINAAN NG TAO. at kung tunay na nagpapakatao ang isang tao, ay kaya nyang labanan ang kahinaang ito dahil alam nya na may pananagutan sya bilang tao.

pag may ginagawa tayong masama, lagi nating dinadahilan na tao lamang tayo kaya tayo nagkakamali. ngunit dahil tao tayo, kakayahan natin na tumugon sa tawag ng maganda at mabuti.